Numbers 35:9-34

Ang Lungsod na Tanggulan

(Deu. 19:1-13; Josue 20:1-9)

9Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, 10“Sabihin mo sa mga Israelita na kapag tumawid na sila sa Jordan papunta sa Canaan, 11pumili sila ng mga bayan na magiging lungsod na tanggulan kung saan makakatakas papunta roon ang taong makakapatay nang hindi sinasadya. 12Mapoprotektahan siya ng lungsod na ito laban sa mga taong gustong gumanti sa kanya. Hindi siya dapat patayin hanggaʼt hindi pa siya nahahatulan sa harap ng kapulungan. 13Ang anim na bayan na ito ang magiging lungsod ninyong tanggulan. 14Ilagay ninyo sa silangan ng Jordan ang tatlong lungsod at tatlo sa Canaan. 15Ang anim na bayan na ito ay magiging tanggulan hindi lang ng mga Israelita kundi pati ng mga dayuhan na naninirahan kasama ninyo para ang sinuman sa kanila na makapatay nang hindi sinasadya ay makakatakas papunta dito.

16“Pero kung hinampas ng isang tao ang sinuman ng bakal at namatay ito, ituturing na kriminal ang nasabing tao at kailangang patayin din siya. 17Kung binato ng isang tao ang sinuman at namatay ito, ituturing na kriminal ang nasabing tao at kailangang patayin din siya. 18O halimbawa, hinampas ng kahoy ng isang tao ang sinuman at namatay ito, ituturing din na kriminal ang taong iyon, at kailangang patayin din siya. 19Ang malapit na kamag-anak ng pinatay ang may karapatang pumatay sa kriminal. Papatayin niya ang kriminal kung siyaʼy makikita niya.

20“Kung napatay ng isang tao dahil sa kanyang galit ang sinuman sa pamamagitan ng panunulak, o paghahagis ng kahit anong bagay, 21o pagsuntok, ituturing na kriminal ang nasabing tao at kailangang patayin din siya. Ang malapit na kamag-anak ng napatay ang may karapatang pumatay sa kriminal. Papatayin niya ang kriminal kung siyaʼy makikita niya.

22“Pero halimbawang ang isang taong walang sama ng loob ang nakapatay sa isang tao na nahagisan niya ng kahit anong bagay o natulak na hindi sinasadya, 23o nahulugan niya ng bato nang hindi niya nakikita, at dahil nga napatay niya ang tao, kahit hindi niya kaaway, at hindi niya sinasadya ang pagkakapatay sa kanya, 24dadalhin pa rin siya sa kapulungan kasama ng taong gustong maghiganti sa kanya, at hahatulan siya ayon sa mga tuntuning ito. 25Kung mapatunayan na hindi niya sinasadya ang pagpatay, kailangang proteksyunan ng sambayanan ang taong nakapatay laban sa mga tao na gustong maghiganti sa kanya, at ibabalik siya sa lungsod na tanggulan, kung saan siya tumakas. Kailangang magpaiwan siya roon hanggang hindi pa namamatay ang punong pari na itinalaga sa paglilingkod.
itinalaga sa paglilingkod: sa literal, pinahiran ng banal na langis.


26“Pero kapag lumabas sa lungsod na tanggulan ang nakapatay 27at makita siya ng taong gustong gumanti sa kanya, maaari siyang patayin ng taong iyon. Walang pananagutan ang taong nakapatay sa kanya. 28Kaya dapat na magpaiwan ang taong nakapatay sa lungsod na tanggulan hanggang hindi pa namamatay ang punong pari, at pagkatapos ay makakauwi na siya sa kanila.

29“Ito ang mga tuntuning dapat ninyong sundin hanggang sa susunod pang mga henerasyon, kahit saan kayo manirahan.

30“Ang sinumang pumatay sa kanyang kapwa ay kailangang patayin, pero kailangang may mga saksi na magpapatotoo na siyaʼy nakapatay. Kung isang saksi lang ang magpapatotoo, hindi papatayin ang nasabing tao.

31“Huwag kayong tatanggap ng bayad para sa buhay ng isang kriminal. Kailangang patayin siya. 32Huwag din kayong tatanggap ng bayad para sa buhay ng taong tumakas sa lungsod na tanggulan upang makabalik siya sa kanyang lugar bago mamatay ang punong pari. 33Sa pamamagitan nito, maiiwasan ang pagdanak ng dugo sa lupaing inyong tinitirhan. Dahil ang pagpatay ay makakapagparumi sa lupain na inyong tinitirhan at walang makapaglilinis nito maliban sa dugo ng taong nakapatay. 34Kaya huwag ninyong dudungisan ang lupaing inyong tinitirhan, dahil ako mismo ang Panginoon, ay naninirahan kasama ninyong mga Israelita.”

Copyright information for TglASD